Ang Lumalalang Epekto ng Bulacan Aerotropolis sa komunidad ng mga Mangingisda ng Binuangan, Obando
by Angeline Cañega, Regine Inna Concepcion, and Jerico Paulo Mananghaya
Noong Hunyo 1763 si Juan at Julian de la Cruz ay nangisda sa Huling Doong ng Binoangan, Tambobong (ngayon ay kilala bilang Malabon City), aksidenteng nahuli ng kanilang lambat ang imahe ng Immaculada Concepcion. Ayon sa mga alamat, sinubukan ng mga mangingisda na magsagwan patungo sa Navotas dala ang imahe nang biglang bumigat ang bangka at hindi ito makagalaw. Ngunit noong sinubukan nilang magsagwan patungo sa Obando, ang lambat at ang bangka ay biglang gumaan dahilan kung bakit ito madaling nakagalaw. Mula noon, ang Our Lady of Salambao ay naging patron na ng mga mangingisda sa Obando. Iniuugnay ang Patron ng Salambao sa masaganang ani partikular sa pangingisda.
Ang katubigan ang nagbibigay sigla sa pamumuhay ng mga taga-Binuangan. Masagana kung ilalarawan ang buhay ng mga tao rito bago magsimula ang pagpapatayo ng paliparan. Ngunit sa kasamaang palad, ang kasaganahang ito ang tila napiling kapalit ng inaasam na pag-unlad.
Ayon sa kanila, hindi maikukumpara ang kanilang kinikita at mga nahuhuling lamang dagat noon sa kasalukuyan. Dati, malaya silang nakapamamalakaya kung saan man nila nainisin dahil, katulad ng kanilang pahayag, para sa lahat ang dagat at walang nagmamay-ari nito.
Nang sa isang iglap, ang masaganang pamumuhay sa komunidad ay biglang naglaho. Unti-unting nararamdaman ng mga residente ang pagbabago dahil sa hindi kalayuan, naaninag nila ang dambuhalang kalupaan na katatayuan ng paliparang magiging dahilan ng 'pag-unlad'.
Kilala bilang New Manila International Airport (NMIA), ang Bulacan Aerotropolis ay isang proyekto ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI) na pagmamay-ari ng San Miguel Corporation (SMC). Sa pamamagitan ng Republic Act 11506 nabigyan ng legislative franchise ang SMAI na magtayo ng isang paliparan sa 2, 500 ektaryang lupa sa Bulakan, Bulacan sa halagang P740 bilyon. Ito ay tatanghaling pinakamalaking paliparan sa bansa na matatapos sa taong 2027. Kasama sa proyekto ang apat na runway na magsisilbing estratehiya upang masolusyonan ang lumalalang air traffic congestion sa Ninoy Aquino International Airport.
Ang paliparan ay inaasahang maglilikha ng milyon-milyong trabaho, pamumuhunan, at turismo na makatutulong sa pag-unlad ng lokal at pambansang ekonomiya. Magsisimula ang pagpapagawa ng paliparan ngayong Oktubre, samantala sa susunod na taon naman makikita ang malaking pagbabago sa proyekto.
Sa pagtatanong-tanong namin, iisa lang ang inuusig ng kanilang mga damdamin. Ang itinatayong airport malapit sa kanilang barangay na siyang pangunahing dahilan ng pagbabago sa kanilang mga buhay. Pangamba ang nararamdaman ng mga taong nakatira sa Binuangan. Paano na nga ba ang kanilang buhay? Modernisasyon nga ba ang sagot sa pag-unlad ng isang bayan o barangay kung mayroon namang masasagasaan at maaapektuhang komunidad, mga tao, at mga kabuhayan? Kaya bang isakripisyo ang natural na yaman ng ating bansa para sa tinatawag na modernisasyon? Para sa iba, ito ay sensyales ng pag-unlad, ngunit ano ang kapalit nito? Yaman o buhay? Ano ang ginagawa ng gobyerno ?Sino ang makikinabang?
Ang Banta nito sa Kapaligiran
Bukod pa sa ibang hayag na epekto ng itinatayong paliparan sa buhay ng mga nasa lupa at ilalim ng katubigan, ramdam din ng mga tao rito ang negatibong epekto nito sa kalikasan.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin natatapos ang pagtatambak ng lupa sa itinatayong proyekto. Ayon sa presidente ng Bantay Dagat na si Larry Salas, ang lupang itinatambak ay may halong kemikal na kumakatas sa katubigan na nakaaapekto sa mga lamang dagat.
“Noon maganda ‘yung presyo, madami kaming nahuhuli, ngayon kakaunti tapos halos minsan nga ‘yung alimasag at tsaka ano [hipon] ipinamimigay na lang, bumababa ang market value niya”
Ani presidente ng Bantay Dagat noong siya ay tanungin sa kanilang kinakaharap na problema sa dami ng huli at pagbaba ng kita.
“‘Yung sa quality ng alimasag, ‘yung ano siya, ‘yung payat ‘di siya makuhang tumaba dahil nga halos polluted na ‘yung tubig diyan. ‘Di tulad kasi noon buhangin ‘yung ginagapangan niya ngayon hindi, halos may halo siyang putik [at] burak kaya ang alimasag, pangit.”
“Sa buhangin kasi mayroong tinatawag na, para siyang semilya ng tahong, ‘yun ang kinakain ng alimasag, umaano siya sa buhangin e ngayon halos may halo ng putik namamatay siya. ‘Yung alimasag kung titignan mo siya mataba, pero pagkabinuksan mo at naluto na, payat na. Nawawala ‘yung quality dati, madalang na yung matabang alimasag.”
Kaniya namang paliwanag sa itinuturong dahilan ng pagbaba sa kalidad ng nahuhuling alimasag.
“‘Yung mga kemikal po na tinatapon po, naapektuhan sa mga isda kaya yung mga isda ho sa’min, lumalayo.”
Ilan pang mga hinaing ng mga mangingisda tungkol sa epekto ng reklamasyon sa katubigan.
'Game- changer Aerocity'
‘Game changer’ kung ituring ng SMC ang kanilang proyekto, makatutulong daw ito sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga dayuhang negosyo at dagdag na trabaho sa mga Pilipino. Senyales man ito ng pag-unlad sa iba, marami naman ang umaaray. Libo-libong hanapbuhay ang apektado, isa na ang pangingisda. Sa kwento ng isang mangingisda na halos 20 taon ng namamalakaya sa katubigan ng Binuangan, ginigipit sila ng SMC at pinagbabawalan na mangisda malapit sa kanilang konstruksyon. Kumikipot ang pangisdaan ng mga residente na dahilan ng maliit na kita, kung noon ay nakakapag-uwi sila ng isang libo sa isang araw, ngayon ay umaabot na lamang ng dalawang daan. Upang hindi na lumaki ang usapan sa pagitan nila, napipilitan ang mga mangingisda na umalis sa lugar at babalik na lamang kapag wala ng bantay. Ayon naman kay Zanlex isa ring mangingisda, para ba silang mga magnanakaw, kung dati ay ilog nila ang katubigan ngayon ay itinataboy na lamang sila ng mga awtoridad ng SMC. Sinang-ayunan naman ito ng Presidente ng Bantay Dagat na si Larry Salas. Ayon sa kanyang kwento may mga pagkakataon na palusot silang nagingisda malapit sa ginagawang paliparan, sinusulit ang mga oras na walang bantay na nagtataboy sa kanila palayo sa kanilang pangisdaan. Kapag may nakita ng bantay na papalapit sa kanila, mabilis silang mamamangka palayo rito. “Para bang ang hanapbuhay namin ninanakaw pa namin” dagdag pa niya.
Sa kabila ng mga perwisyo upang mabigyan-daan ang pagpapatayo ng isang aerocity, bigong mabayaran ng SMC ang mga apektadong pamilya sa Barangay Binuangan. Sa kwento ni Noemi Añonuevo tindera ng gulay, pangako ng SMC na mabayaran ng Php 50,000 ang mga baklad na masasagasaan ng konstruksyon ngunit nang magsimula na ang bigayan ng kompensasyon Php 20,000 lamang ang natanggap ng mga residente. Dagdag pa niya, ang Php 20, 000 na ito ay maaring kitain sa pamamalakayan sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong araw. Para naman kay Danilo Tupaz, isang magtatahong, kulang ang kompensasyon na inaalok ng SMC kumpara sa kinikita nila. Pitong milyon ang alok ng SMC kapalit ng pagbaklas nila sa kanilang tahungan. Ayon kay Mang Danilo maliit pa ang halaga na ito kumpara sa mga nasira nilang tahungan. Ngunit wala naman daw silang magagawa kung gugustuhin itong ipagpatuloy ng gobyerno, ani pa niya “hanggang tutol lang naman tayo… kaya hangga’t maari makiusap, hindi kami lumalaban”.
Kung ang iba ay nawalan ng hanapbuhay, si aling Nancy naman ay nawalan ng tirahan. Napilitang umalis si aling Nancy sa kanyang tirahan sa Barangay Paryahan, Taliptip at kasalukuyang nakatira sa Binuangan. Kung noon hindi nila problema ang pera, ngayon ay tila ba unti-unti ng humihirap ang buhay nila lalo na’t may sakit ang kanyang asawa at ang tangi nilang inaasahan ay ang kanilang mga anak. Nakiusap sila sa SMC na bigyan sila ng kaunting panahon upang makapaghanapbuhay at makapag-ipon sa kanilang paglipat ngunit hindi pumayag ang SMC, sa halip ay binigyan sila ng pagpipilian, bahay at lupa o pera. Pinili ni Aling Nancy ang kompensasyon sa halagang Php 250,000 ngunit ito ay mabilis lang na naubos. Ayon kay aling Nancy, hindi sapat ang kompensasyon na ito kumpara sa kinikita niya noon na umaabot ng limang libo hanggang pitong libo sa isang pagtitinda. Dagdag pa niya, ang mga larawan na makikita sa internet tungkol sa kanilang lugar ay ala-ala na lamang, ipinagpasa-Diyos na lamang ni aling Nancy ang kalagayan nila ngayon. Wika niya, “Wala naman kaming magagawa mayayaman sila e, mahirap lang kami”.
Kalagayang Sosyo-Ekonomiko
"Para bang hanapbuhay namin ninanakaw pa namin" ganito na lamang ilarawan ni Larry Salas, pangulo ng Bantay Dagat, ang buhay ng isang namamaklad, paaalisin at itataboy ba naman sila ng mga awtoridad na namamahala at nagbabantay sa itinatayong airport. Ayon sa kaniya, "for safety" daw ang dahilan ng mga guwardiya kung bakit sila pinapalayo. Ngunit para sa kanilang mga namamaklad, namamalakaya, at namamanti, napakalaking bagay ang nawawala sa kanila dahil naroon malapit sa tinatayong paliparan ang dapat sana'y magiging ani nila. Ayon sa testimonya ng mga tao sa Binuangan, dalawang daang libo, minsan pa nga raw ay kalahating milyon ang multa kapag nahuli ang isang baklad.
Masakit man isipin, karamihan sa kasamahan ni Mang Larry, maging siya ay nakararanas ng pangtataboy. Aniya, wala silang magawa dahil ano nga namang laban ng isang maliit na bangka sa isang malaking barko?
Bunsod ng pagkawala ng kanilang hanapbuhay, ayon kay Danilo Tupaz, may-ari ng tahungan, ang iba ay pinipili na lang magnakaw.
Mahirap na nga ang buhay ay mas pinahirap pa ng sitwasyon. Saan kaya dadalhin ng kanilang mga baklad ang pag-asang sila'y muling makapamamalakaya nang malaya?
Pitong milyong piso ang alok kay tatay Danilo, ngunit para sa anim na miyembro ng pamilya hanggang saan dadalhin ng perang ito ang kanilang pang araw-araw na buhay?
Sabi ng San Miguel Corporation sa kanila, magtinda ng mga produkto mula sa SMC, ngunit para kay tatay Danilo, bakit naman sila ilalagay sa linyang hindi naman nila naiintidihan?
"Ang isda pag nilagay mo sa pampang anong mangyayari, mamatay." ganito inihahalintulad ni Edgar Nicolas, pangulo ng Binuangan Fisherfolks Association ang mga mandaragat ng Binuangan.
Bakit nga naman sila paalisin sa kanilang kinalakihang lugar, ang lugar kung saan natuto silang sumabay sa agos ng tubig, kung saan pawang magkakakilala ang bawa’t-isa at ang lugar kung saan malayo sa banta ng mga naghaharing uri.
Hindi galit ang isinisigaw ng mga tao sa Binuangan kundi pag-asa na sana ang kanilang tinig ay marinig, ang kanilang pagsusumamong mabuhay nang matiwasay at malayo sa panggigipit dahil sila ang unang taong nanirahan, nangalaga at nagpayabong ng industriya ng pangingisda sa kanilang lugar.
Mahirap isiping dahil sa paghahangad ng pagbabago at pagkakaroon ng isang magandang proyekto tila ba may umaagaw at pumipigil sa kanila upang makapag hanapbuhay at kumita ng pera.
Mababang Kita
Isang malaking hamon ang mabuhay sa mundong hindi patas. Kani-kaniyang sakripisyo, hirap at pagtitiis ang baon ng bawat manggagawa. Manlupaypay man sa init ng araw, pumintig man ang tenga sa sigaw ng amo o di kaya'y manlamig man sa gitna ng dagat maka-ani lamang ng isdang sapat upang itaguyod ang pamilya tuloy lang sa pag tatrabaho kumita lamang ng sapat.
Si nanay Noemi Añonuevo, nagtitinda ng sariwa't mga gulay, nalulungkot sa matumal na benta. Simula kasi noong simulan ang proyektong airport malapit sa Binuangan napansin niyang pigil o tipid ang paggasta ng tao. Gumagawa na nga raw siya ng paraan mamurahan lang ang kaniyang mga ibinebenta. Aniya "Ang ginagawa ko, sa gabi o hapon ako namimili ng paninda doon sa mura para mura ko rin maititinda." ngunit walang pag babago matumal pa rin.
1,500 pesos ang upa para sa isang baklad kaya lang maliit at payat ang nahuhuling alimasag dahil dito sampung piso isang kilo lamang ang presyuhan nito, para kay nanay Noemi kawawa at lugi ang mga namamaklad, paano niya pe-presyuhan ang ganitong kalidad ng alimasag.
Ang ganitong kalidad ng nahuhuling alimasag at hipon ayon kay mang Larry Salas ay bunsod ng pagtatambak sa ginagawang airport. Ang panambak daw kasing ginagamit may halong kemikal at ang dating buhangin na tinatapak ng alimasag at hipon ngayon burak at putik na.
Kung nakapagsasalita lamang ang katubigan ng Binuangan, hindi ko lubos maisip ang kaniyang nararamdaman, marahil kasing dami ng tubig nito ang kaniyang luha dahil sa paghihirap na kaniyang dinaranas.
"Mayroon bang may-ari ng dagat? May nangangalaga pero walang may-ari ng dagat." ani Edgar Nicolas. Ang hiling lamang nila ay mabigyan sila ng pantay na pagtingin at karapatan sa tubig na kanilang pinangingisdaan upang maka-pamalakaya, maka-pamaklad at maka-pamanti sila ng walang pumipigil at humaharang sa gitna ng dagat. Ayon pa kay tatay Edgar, hindi man nila madama ang suporta mula sa gobyerno hindi sumagi sa kaniyang isipan ang magalit ngunit hiling lamang nila'y bumalik sa dati ang lahat.
Sa pag lilibot-libot namin sa maliit na barangay ng Binuangan may pangamba man sa kanilang isipan, patuloy pa rin silang namumuhay tulad ng dagat na umaagos.
Epekto sa Local Fishing Industry
Ayon sa kanilang Department Head ng Municipal Agriculture na si Freddy Jon Sta. Maria Jr. dahil sa tinatayong airport lumiit ang lawak ng pangisdaan at nabawasan ang kita at huli ng mga mangingisda, na siyang kinumpirma ng isa sa mga namamklad na si Larry Salas, para sa kanilang kaligtasan ang dahilan kung bakit sila hinaharang at pinipigilang mamaklad at mamanti malapit sa ginagawang airport. Dagdag pa niya ang pagliit at pagkamatay ng isda ang naging dulot ng pagtatambak ng lupa na may halong kemikal sa katubigan ng Binuangan, pagbaba ng market value, at pag pangit ng kalidad ng mga nahuhuli partikular na ang alimasag at hipon.
Samantala, upang harapin ang mga problemang kinakaharap ng mga tao sa Binuangan ukol sa ginagawang airport, ayon kay Mr. Sta. Maria, nagbibigay naman ng livelihood support ang San Miguel Corporation (SMC). Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Provincial Government/Agriculture ay nagbibigay din ng technical assistance at fishery inputs tulad ng Gillnets Fishing gayundin ang Local Governemnt Unit ng Obando.
SMC: NMIA not a reclamation project
Sa kabila ng mga batikos at pagkundena ng ilang mga samahan sa masamang epekto ng proyekto sa kalikasan, pinabulaanan ng SMC na ang paliparan ay isang reclamation project. Ang reklamasyon ay isang proseso ng paglikha ng bagong lupain sa pamamagitan ng pagtatambak ng lupa sa mga baybaying-dagat. Dahil sa reklamasyon, unti-unting nababawasan ang bilang ng mga isda at uri nito na nakukuha sa dagat. Ayon sa mga marine biologist ang prosesong ito ay tinatawag na siltation o pagdeposito ng lupa sa dagat. Sinisira nito ang mga bahura, bakawan, at sea grass ecosystem na nagsisilbing tahanan ng mga lamang dagat. Ang pagsasailalim ng isang baybaying-dagat sa reklamasyon ay nagpapakita ng negatibong epekto sa kabuuuang ecology ng isang lugar.
Ang konstruksyon ng airport ay magsisimula sa reklamasyon ng 2,500 ektaryang katubigan at mangrove area ng Barangay Taliptip at Bambang sa Bulakan. Maraming samahan ang umaalma sa proyekto dahil ito ay banta sa coastal at fishing areas ng mga komunidad na pangunahing pamumuhay ay pangingisda. Binigyan-diin naman ng SMC na ang ginagawang paliparan ay hindi itatayo sa isang reklamadong lupa, kundi sa mga mabababang lupain na ginawang commercial fishpond.
“The airport project does not involve reclamation. The project site has existing, valid land titles indicating its original status as land. Due to natural processes over time, this land had become prone to regular inundation. Instead of creating new land, we are redeveloping it to its former state ensuring its productive and sustainable use for the future,” Ang said.
Ayon mismo sa presidente ng SMC na si Ramon Ang, ang proyekto ay redevelopment lamang ng mga umiiral na lupain na napuno ng tubig sa mga nakaraang panahon dahil sa pagbaha, pag-convert ng lupain sa fishponds at over-extraction ng tubig sa lupa na maaring maging dahilan ng land subsidence. Ang lupain na kinatatayuan ng paliparan ay unti-unting lumubog sa mga nakalipas na panahon dahil sa mga pangyayaring ito. Binigyan-diin ni Ang na ang kanilang mga proyekto ay sumusunod sa mataas na environmental standards.
Samantala, sa kasalukuyang aksyon ng SMC, hindi lamang kalikasan ang apektado pati na rin ang kabuhayan ng mga residente. Ayon sa mga mga mangingisda na sina Larry Salas at Edgar Nicolas pinagbabawalan sila na mamalakaya malapit sa itinatayong paliparan. Ang madalas na dahilan ng SMC ay para ito sa kaligtasan ng mga mangingisda. Ayon naman sa Department Head ng Municipal Agricultural Office ng Obando, nagbibigay ang SMC ng alternative livelihood support sa mga apektadong pamilya.
Panawagan ng mga residente
“Kung gusto nila ng pag-unlad, isama nila kami sa pag-unlad.”
Iisa lamang ang hangad ng mga taga-Binuangan, hindi ang labanan o ipatigil ang reklamasyon, kundi ang pagkakaroon nila ng kalayaang maghanapbuhay nang mapayapa, nang walang pagbabanta at katapat na multa kung sila man ay mamamanti at mamamalakaya sa paligid ng ginagawang proyekto.
“Hopefully ‘yun ang ipinapalangin namin sa Diyos, na medyo humaba pa ang aming hanapbuhay kasi nga number one, kawawa talaga yung mga maliliit, mas kawawa iyon kasi nga tila wala na silang dagat na matitikman.”
Katulad nga ng pahayag ng presidente ng Binuangan Fisherfolk's Association, hindi naman na ninanais ng katulad nilang mga mangingisda na sila ay umasenso pa sa buhay. Sapat na para sa kanila ang simpleng buhay na mayroon sila kaya’t ang munting hiling na lamang nila ay huwag silang iwanan sa inaasam na pag-unlad.
Ito na ang pamumuhay na kanilang kinagisnan kaya’t hindi mawari ngayon ng mga residente kung anong alternatibong hanapbuhay ang susuungin gayo’t dito namamalagi ang kanilang mga mahal sa buhay at tiyak na paghihirap ang nag-aamba sa kanila sa bayan.
Sa patuloy na operasyon ng mga ganitong proyekto, unti-unti nitong pinapatay hindi lamang ang buhay ng mga baybaying-dagat kung di pati na rin ang hanapbuhay ng mga mangingisda. Tutol man sila ngunit walang magagawa, ano ba naman ang kanilang laban sa itinuturing pag-unlad ng karamihan. Walang masama sa pag-unlad ngunit nararapat lamang isipin ang epekto nito sa kalikasan lalo’t higit sa lumalaking hamon ng nagbabagong klima. Hindi dapat ibaon ang tunay nating kayamanan, aanhin natin ang malaking paliparan kung kapalit nito ay pagkasira ng kalikasan. Dapat lang maisip na ang yamang kaloob ng kalikasan ay para sa lahat, at hindi lang para sa kanilang mga nakatataas sa lipunan.
Comments
Post a Comment