Higit pa sa bato at rebulto; simbahan bilang haligi ng Brgy. Binuangan
Higit pa sa bato at rebulto; simbahan bilang haligi
ng Brgy. Binuangan
nina Lawrence Francisco, Vince Moraga, Arselle Poblete
Ang pananampalataya ay lampas pa sa kahit anong pader at rebulto na matatagpuan sa simbahan.
Kinakanlong ng Nuestra Señora de Salambao Mission Parish - Binuangan ang mga residente ng Brgy. Binuangan, Obando, Bulacan sa panahon ng agam-agam na dulot ng itinatayong New Manila International Airport (NMIA) at sa kakulangan ng espasyo para sa mga mag-aaral.
Para sa mga namamalakaya sa katubigan ng Brgy. Binuangan, malaking dagok sa kanilang kabuhayan ang NMIA na kung dati ay umaabot sa tatlong libong piso ang kita nila sa isang araw, bumagsak ito sa limang daang piso na lamang.
Ayon kay Renen Cruz Rivera, 44 anyos, kalihim ng Binuangan Fisherfolk Association, at tubong Binuangan, bagamat may tulong mula sa gobyerno, hindi ito nakararating sa mga mangingisdang tulad nila.
“Nangyayari kasi [ay] yung ibang tulong ng gobyerno ay [sa] iba at ‘di karapat dapat yung binibigyan nila.” aniya sa isang panayam ng aming grupo.
Dagdag pa niya, hindi naman daw kasama sa pinatitigil ni Presidenteng Marcos ang NMIA dahil hindi naman ito isang ‘reclamation project’.
Para naman kina Juan at Prescilla Torres, dating namamalakaya, na dinamayan ng simbahan, magmula nang naapektuhan sila ng bagong paliparan ay mas sumandig sila sa Nakatataas.
Sa tulong ng simbahan, nakalipat sila sa Brgy. Atlag, Malolos, Bulacan.
Anila Torres, “Mayroon kang nalalapitan kahit papaano… kahit papaano may kinakapitan pa rin kami. May tumutulong pa din sa amin na Makapangyarihan. Nagiging daan ang simbahan.”
Bunga ng hindi makamasang pag-unlad, ang pananampalataya nina Rivera at ng mag-asawang Torres ay mas umiigting sa gitna ng pangamba para sa kanilang kabuhayan.
Tanawin ng Brgy. Binuangan sa isinasagawang paliparan. Malayo, pero matindi ang pagyanig sa nakasanayang pamumuhay ng mga residenteng nakaasa sa kasaganaan ng tubig nito.
Simbahan; silid-aralan
Sa kabilang dako ng Brgy. Binuangan matatagpuan ang Binuangan Elementary School kung saan matatagpuan ang tinibag na parte ng gusali dahil sa mga crack na dulot ng lindol noong ika-27 ng Hulyo 2022.
Tulad ng pagkanlong ng Nuestra Señora de Salambao Mission Parish - Binuangan para sa mga mangingisda, binuksan din nila ang kanilang pintuan para sa mga kabataang estudyante na walang sapat na espasyo para sa kanilang pag-aaral.
Mula sa mga simbahang katoliko tulad ng Parokya ng Salambao at St. John the Baptist hanggang sa United Methodist Church at Jesus is Lord, nagkaroon ng sapat na ‘temporary learning space’ (TLS) para sa mga mag-aaral sa elementarya ng Brgy. Binuangan.
TLS ng Nuestra Señora de Salambao Mission Parish - Binuangan,
sa bungad ng simbahan ng parokya sa Brgy. Binuangan
Ayon kay Gng. Jennilyn Eusebio, huling ininspeksyon ang Mababang Paaralan ng Binuangan noong ika-28 ng Hulyo 2022, isang araw makalipas ang lindol.
Bagaman hindi tumagal ng isang linggo ang proseso para makita ang kalagayan ng paaralan, may dalawang taon nang nakatengga ang ginibang parte ng gusali.
“So medyo, ah kasi hindi siya naisama sa first quarter, hoping na itong second quarter na bidding ng Provincial maisama na.” ani Eusebio tungkol sa bidding para maumpisahan ang Mababang Paaralan ng Brgy. Binuangan.
Samakatuwid, ang mga alagad ng simbahan ang nagbibigay espasyo para sa pag-aaral ng mga batang estudyante na dapat ay unang pinupunan ng administrasyon.
Pusod ng pag-asa
Kumakapit ang mamamayan ng Brgy. Binuangan sa pananampalataya dahil iyon na lamang ang kanilang kanlungan sa gitna ng ‘pag-unlad’ at ‘bagong bansa’.
Para kay Eva Rivera, 43 anyos, lector-commentator ng parokya, simbahan ang naging daan at sentro ng kaniyang pag-asa.
“‘Di ba ngayon, yung sa airport nga, marami yung sitio na [ang] nawala… kahit papano naman ay [na-assure] naman kami ni [Bp. Dennis Villarojo] na kahit papano ay hindi naman matatanggal yung sitio... inassure naman niya kami na gano'n. Sana nga. Hoping pa rin.” aniya sa panayam ng aming grupo.
Ngunit dahil mapanuya ang may kapangyarihan, tatlo sa sub-parishes ng Nuestra Señora de Salambao Mission Parish ay saklaw na nang binubuong paliparan.
Ayon kay Michael John Dela Cruz, kasalukuyang kalihim ng parokya, mayroon na lamang tatlong natitirang sub-parish ang parokya mula sa orihinal nitong bilang na sampu noong nabili ng San Miguel Corporation ang pito nito.
“Sa kabuuang bilang ay sampu ang sub-parish ng aming parokya ngunit sa panahong ito ay tatlo na lamang pagkat nabili na ng SMC ang bahaging kinatatayuan ng mga kabahayan at bisita kaya inalis na ang mga taong naninirahan sa nasabing lugar.”
Bilin din sa amin ni Bp. Dennis na huwag ibenta ang natitira.” ani dela Cruz.
Ang pananampalataya ng mamamayan ng Brgy. Binuangan ay manipestasyon ng kawalan ng direktang tugon mula sa nakatataas at sa may kapangyarihan.
Hindi maikakaila na sentro ng pag-asa ang simbahan at mga naglilingkod dito. Ngunit kung sa esensya ng paglilingkod, hindi rin maitatanggi na ang mga makapangyarihan ay hindi kayang tumbasan ang serbisyong tinatamasa ng mga taga-Brgy. Binuangan mula sa simbahan.
Bagaman may banta sa simbahan, higit pa sa mga batong haligi at rebulto ang pananalig ng mga mamamayan ng Brgy. Binuangan.
Pero para sa nakatataas, dapat bang isangkalang ang kabuhayan at pook-sambahan para sa pag-unlad na hindi matatamasa ng lahat? Kung ang pag-unlad para sa ‘bagong bansa’ mismo ang sasagasa sa pusod ng pag-asa at pananamapalataya ng masa, maituturing ba itong pag-unlad?
"Ilang taon na 'yan eh... naging parokya siya, 45 years na yata... bago pa yun, [yung] bisita... kaya matagal na rin, kaya sana hindi nga matanggal." dalangin ni Rivera.
Comments
Post a Comment