Isang Makamasang Istorya: Danas ng Komyuter at Jeepney Driver sa Pilipinas

 Sa bawat sulok ng Pilipinas, mula sa kabisera ng Maynila hanggang sa malalayong probinsya, ang komyuter at jeepney driver ay parte na ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ang kanilang mga kwento ay salamin ng hirap at tagumpay, ng pagtitiis at pagsusumikap, at ng buhay na bumabalot sa mga kalsadang puno ng trapiko at ingay. 

Parte ng bawat isa;  kultura ng madla, ganyan natin sinasalamin ang bawat jeepney na pumapasada. Hari ng kalsada, kesyo nga nila. Sa masang Pilipino, jeepney ang taga hatid-sundo, kahit saang destinasyon, may jeepney na pumapasada. Sa bawat araw o unos, may masasakyan ka.

Pero may iba’t ibang bahagi ang bawat istorya, hindi iisa ang kwento ng bawat isa. May kwentong komyuter, may kwentong tsuper, at may panig ang kung sino mang nasa katungkulan o kahit pa ordinaryong tao lang. Bawat isa ay may posisyon, bagaman ang iba’y limitado ang kakayahan pero meron pa ring boses upang ipaglaban ang kanilang karapatan. Karapatang magkaroon ng nalalaman sa bawat pasada ng jeep na kanilang sinasakyan.

Sa Mata ng Isang Komyuter

Sa Pilipinas, pag komyuter ka, alam mo na hindi biro ang pasanin ng buhay. Biruin mo, namasahe ka lang, namroblema ka na agad? Isa kasi sa mga problema namang talaga ng bansa natin ay ang trapiko, para bang hindi tayo mauubusan ng istorya patungkol sa kung gaano kahirap mamasahe at mamasada sa bansang ito, para bang araw-araw kang nagdadalamhati at nagdarasal na sana umayos at maging maayos na ang problema ng transportasyon sa bansa. Iba't iba man tayo ng antas sa buhay, sa isang banda pare pareho tayong sumakay ng jeep patungo sa ating paroroonan, mapa-eskwela, trabaho o galaan, jeep ang isa sa mga naghatid sa atin diyan. 

May mga nakapanayam kaming mga estudyante. Para sa kanila, ang pagcocommute ay isang pangangailangan, lalo na kung nasa kolehiyo. Sa konteksto ng mga taga Sta. Maria, may terminal sa ilalim ng tulay tungo sa iba't ibang parte ng Bulacan , isa ‘ron ang pa-Malolos na  karaniwang mga estudyante ang sumasakay  na ang daan ay sa NLEX. “ NLEX kasi mabilis, efficient at wala pang isang oras nandoon ka na”

“Eh paano po pag late ka na sa trabaho mo?”. Panayam namin sa isang gurong bumabyahe pa-Sta.Maria- Malolos. “Punuan at siksikan.” , “mas grabe ang pila ‘pag rush hour.” Mayroon ka namang pagkakataon na gumayak ng maaga, kung saan kapag maaga ka mabilis ang pila, kumbaga ‘smooth gliding’ ang pasada, mabilis ang arangkada… pero MALI! Hindi na ganoon ang nangyayari, malayo na raw iyan sa katotohanang dinaranas ng mga komyuter. Alam mo kung bakit? “Mas matagal na biyahe at pagbalik sa terminal”.  “Dating 45 mins na byahe (from Sta.maria to Malolos) nagiging mahigit 1 hr na.”

 “Pabalik pa lang ang jeep…” , ang siyang tanging tugon ng mga barker at kahera ng terminal na nagreresulta ng kawalan mo ng choice kung hindi pumila, maghintay at maglaan ng mahabang pasensya. 

Sa ganitong mga pagkakataon, ayon sa aming mga panayam, ang unang naiisip ng mga komyuter ay ‘Kasalanan ng driver’, ‘palibhasa ay kulang sa jeep o ‘di kaya’y hindi lang talaga sila subsob sa trabaho para makabalik agad sa terminal dahil may mga driver na loko loko’ o ang malaking isyu ng jeepney modernization at ‘siguro sa  jeepney phase out’. 

Sa kahabaan ng Malolos Road,  ‘pag tumingin ka sa labas ng bintana ng jeep, kaliwa't kanan ang stop light. Kakatwa't ngayon na lang ito gumana matapos maging parang palamuti sa kalsada. Makikita mong mabilis naman sana ang byahe kung aayusin ang  sistema ng stop light lalo na kung rush hour.  Driver pa rin ba ang may problema? Minsan kailangan lang natin tumingin sa mas malawak na larawan, malamang hindi lang ikaw ang taong namomroblema sa ganyan mga karanasany, kung lalawakan ang pang-unawa at lilinawan ang mga mata,  makikita mo si Manong tsuper kumakamot din sa kanyang noo na pawis dahil sa kapapasada mapa-gabi o umaga, tanghali o hapon, umulan man o umambon, tirik na araw o kahit pa maalinsangang panahon. Lahat ‘yan hindi alintana, basta may maiuwing kita pambaon ng mga anak at pagkain sa maghapon.

Sino nga ba ang dapat sisihin? Dapat nga ba ay mayroon? Saan nag -uugat ang problemang ito ng mga komyuter ng Sta. Maria-Malolos? 

Mahirap maging komyuter, pero hindi mo kailangan magturo ng kung sino dahil nalate ka ng ilang minutos o oras sa propesor mong terror o boss mong strikto.  Madalas kailangan ng pang-intindi,  ordinaryong tao lamang rin sila sa lipunan na kumakayod para sa pang araw araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Sa makatuwid, iyan ang madalas na opinyon ng karamihan, sinisisi ang tsuper sa problemang hindi naman sila ang gumawa, sinisisi sa driver na tulad mo ay biktima lang din ng balikong sistema ng transportasyon sa bansa. 

Sa Manibela ng Isang Jeepney Driver

Bawat araw, pasikot sikot ang tinatahak ng isang tsuper, maging  tsuper man ng dyip, traysikel, pedikab o ng bus. Sino ang may karapatang utusan sila kung kailan dapat huminto? Hindi jeepney phase out, hindi trapiko kundi isang stop light. 

Kung daraan ka sa isang main road, huwag kang mayamot kung bigla kang makararanas ng trapiko dahil bawat kanto nito ay mayroong stop light. Bawat isang nagmamaneho ay kinakailangang huminto sa dulo ng isang poste na may tatlong iba’t ibang kulay ng ilaw. “Bilang isang tsuper na may hinahabol na boundary, nakaka-inis dahil sagabal ang stop light sa kita.” Kung isa kang tsuper patungo sa Sta. Maria mula sa Malolos, isang malaking sagabal ang stop light sa pamamasada, ang daming studyanteng komyuter ang naghihintay sa pagbabalik ng jeep mo sa terminal. At bilang isang tsuper, wala kang magagawa kundi hintayin pa munang humupa ang oras upang maitawid ang iyong jeep patungo sa kabilang kanto. 

"Bawasan ang stop light", daing ng mga tsuper na aming mga nakapanayam.  Buwelta naman mga opisyal ay, hindi naman palamuti ang stop light. Na kung tutuusin ay tama , ngunit maayos bang inihain ang resolusyon nito? “Nakakagulat nga pagkatapos ng pasko bigla na lang sumulpot yang mga ilaw (stop light) sa bawat kanto ng Malolos.” 

Malaking tulong naman talaga ang stop light para sa kaligtasan ng bawat tsuper, komyuter at mga motorista. Ngunit, maayos bang napag-aralan ang bawat detalye ng pagpapatupad ng mga ilaw na ito? Hindi ba dapat ay bago nagkabit ng mga poste ay siniguro muna ang mga dapat ikonsidera? Gayunpaman,  naniniwala naman tayong ang bawat bagay ay maaaring mabago habang may pagkakataon. Hintayin ang bagong solusyon, at aksyon galing sa mga namamahala. Ito ang tangi munang magagawa ng isang komyuter at tsuper. Ngunit, gaano katagal maghihintay?

Isang Magkaibang Paglalakbay, Isang Layunin

Ang karanasan ng komyuter at jeepney driver ay nauugnay sa isa't isa dahil pareho silang nahaharap sa mga isyu ng sistema ng transportasyon ng bansa. Ang bawat araw ay isang pagsubok sa kanilang mga kakayahan at pasensya, ngunit makikita mo ang kanilang tibay ng loob at pag-asa. Nariyan ang kuwento ng bawat Pilipino, ang kuwento ng pagtitiis, pagsusumikap, at pagkakaisa sa bawat pag-andar ng jeepney at pagsakay ng komyuter. 


Sa gitna ng maingay na mga kalsada at makukulay na jeepney, ang pakiramdam ng paggalang sa isa't isa at bayanihan ay matutunghayan. Sa huli, ang araw-araw na danas ng komyuter at jeepney driver sa Pilipinas ay higit pa sa isang simpleng paglalakbay. Ito ay isang salaysay ng buhay na naglalarawan sa tunay na mukha ng pagka-Pilipino na puno ng kulay, sakripisyo, at pag-asa.


Kaya naman kahit magkaiba man ang mga hangarin , o magkakaiba man ang mga hinaing , parehong komyuter at jeepney driver ay gusto ng iisang layunin. Ang magkaroon ng maayos na sistemang batas trapiko para mas mainam at epektibong pamamasada at pagbyahe sa kalsade ng Malolos. Ang isyu na ito ay hindi konektado sa ano mang modernization project o pagphase out ng mga jeep, hindi rin tungkol sa dami ng pasahero o dami ng sasakyan. Ang lahat ng ito ay nag-uugat sa hindi maayos na pamamalakad ng stop lights sa Malolos. Ang dalawang panig ay bagama’t nagkakasisihan. Malinaw sa kanila na ang tila mga palamuting traffic lights ang dahilan. Kaya ang kanilang hiling , “Bawasan ang stop lights”


Nakapanayam namin ang ilan sa mga lokal na opisyal ukol sa isyung ito. Isa rito si  Engr. Jaime Hernandez isang propesyonal at kasalukuyang maintenance engineer  mula sa Kagawaran ng mga

Pagawain at Lansangang Bayan (Department of Public Works and Highways) DPWH, Tikay Malolos, Bulacan Area. Ayon sa kanya, ang pagmandato ng mga traffic lights ay para sa kaligtasan ng mga motorista at hindi bilang palamuti o display lamang. Kaniya ring binigyang diin na dapat lamang itong iimplementa dahil mayroong isyu sa ilang traffic system particular sa Malolos, ito ang Annual Average Daily Traffic o ADDT na kasalukuyang ‘outdated’ dahil wala pa rito ang record ng kasalukuyang data ng traffic na nararanasan ng mga tao sa Malolos. Agad niya rin namang sinabi na pinag-aralan at pinag-aaralan pa ito ng City Traffic Management of Malolos kasama ang kanilang tanggapan, DPWH-Malolos. Aniya pa ni Engr. Hernandez, mayroon na silang mga nakalatag na mga plano at aktibidad para sa daing na ito ng mga komyuter at driver ngunit hindi ito maaaring basta maumpisahan dahil kailangang aprubado muna ito o may basbas galing sa City Government (Malolos) para maisagawa ito at nang maisaayos na ang traffic system sa lugar.  Wala namang naging pahayag ang City Government ukol dito dahil hindi sila nagpaunlak sa amin ng panayam. 

Samakatuwid, ang laban sa isyu ng traffic lights na siyang ugat ng mas mabigat na trapiko sa Malolos-Sta. Maria ay mananatiling nakabinbin hangga’t walang aksyon sa mga nakatataas. Hanggang kailan mag-iintay ang mga komyuter? Hanggang saan aabot ang pasensya ng mga driver? Kailan tutugon ang gobyerno? Naririnig kaya nila ang mga boses na hangad ay kaayusan?  Ikaw? Anong magagawa mo sa isyung tulad nito? Maghihintay ka na lang din ba? O gagawa ng ingay upang isyu na ito ay dinggin hanggang sa masolusyunan?


MGA DOKUMENTO:














  





Presented by Group 10:

Dionisio, Yance Lysha M.

Llanos, Thana Alliah Mae R.

Nato, Melaiza O.

Comments

Popular posts from this blog

'FILO ENGENES KEEP ON WINNING': Enhypen ties with PH fans bides stronger

LOOK: 19-year old Psychology student went viral for her self-composed song 'Maria Clara' empowering morenas

Height Reveal Naman Diyan!