MATINDING PAGBAHA, DEKADA NG PROBLEMA NG ILANG BARANGAY SA MEYCAUAYAN
MATINDING PAGBAHA, DEKADA NG PROBLEMA NG ILANG BARANGAY SA MEYCAUAYAN
By: Gil Enriquez
Ang Barangay ng Longos at Barangay ng Bayugo – Proper ay ilan lamang sa mga barangay na laging pineperwisyo ng matinding pagbaha lalo na kung panahon ng Habagat. Natural na catch basin o daluyan ng tubig baha mula kabundukan ang probinsya ng Bulacan lalo na iyong mga munisipalidad na malapit sa mga ilog o anyong tubig gaya ng Meycauayan.
Dekada na ang inabot tungkol sa isyu ng pagbaha at karamihan sa mga residente ay nasanay na sila sa ganoong sitwasyon. Ayon sa isang kagawad ng Barangay Bayugo, kapag nasisira ang river walling sa gawi ng Valenzuela ay mas matinding pagbaha ang dulot nito sa nasabing barangay. Ang ganitong problema sa Barangay ng Bayugo ay halintulad din sa katabing Barangay ng Longos. Ang barangay na ito ay katabi ng palaisdaan at ng makasaysayang ilog ng Meycauayan kaya naman madaling bahain ang barangay lalo na kung high tide.
“…Ahh..pag nasisira ang river walling nh Valenzuela dito (Brgy. Bayugo) kasi bumabagsak lahat dahil mababa..” -panayam kay Kag. Abel Zuñiga ng Brgy. Bayugo.
“Kapag pumutok ang dike sa Camaron. Basta pumutok ‘yon, sigurado isang linggong baha..” -panayam kay Anabelle Andaya ng Brgy. Longos
Isa pa sa itinuturong dahilan ng mga residente na sanhi ay ang hindi tamang pagtapon ng basura. Ang mga creek, canal, palaisdaan at ilog ay nagiging permanenteng tapunan ng basura dahil sa kawalan ng disciplina at kakulangan sa kaalaman ng tamang pagtatapon nito.
“Kasalanan din naman ng mga tao. Siguro sa maling pagtatapon ng basura ta’s siyempre sumisiksik sa mga kanal-kanal, ‘yan tuloy ‘yong kanal barado, umaangat ‘yong baha-, ‘yong tubig. “ -panayam kay Erwin Samson na residente ng Barangay Zamora.
“Sa..dumi sa ilog. Kasi ngayon ang ilog burak na e.” -panayam sa isang residente ng Barangay Bayou.
Ngunit ayon sa mga matatanda sa mga nasabing barangay, ang pinaka naging dahilan kung bakit lumala ang mga pagbaha ay dahil sa pagtatambak ng lupa sa mga palaisdaan ng Barangay Bayugo na naging Northville III sa kasalukuyan. Ayon sa panayam kay Kag. Abel Zuñiga, nang dahil sa pagtatambak na iyon ay nawalan ng lalabasan ang tubig baha na galing sa ibang lugar at dahil sa pagiging mababa ng barangay ay lahat ng tubig ay Brgy. Bayugo pumapasok. Kahalintulad ng sagot ni Kag. Zuñiga ang naging dahilan ng iba pang residente sa nasabing mga barangay.
“Ang magiging isang ano, (halimbawa) ay isang timbang tubig..Once na nilagyan ng anything do’n, aapaw at aapaw ‘yon. No’ng araw kasi open yan e, e tinambakan, san na ngayon pupunta ang tubig? ‘di sa mabababang lugar…” -panayam kay Kag. Abel Zuñiga ng Barangay Bayugo.
“..’yong pagtatambak sa mga palaisdaan, ‘ginawang Northville. No’ng araw di naman malaki ang mga pagbaha.” -panayam sa isang residente ng Barangay Bayugo.
“1988 umaabot sa bubong, buhat kase tinakbakan yang Northville kase diba dati palaisdaan, halos wala na di na makalabas ang tubig, ngayon kaya kame
Binabaha nang malaki at umaabot sa bubong.”-panayam kay Kag. Stella Manaleste Barangay Zamora
Sa ngayon ay gumagawa ng mga alternatibong solusyon ang bawat barangay ng Meycauayan upang matugunan ang problema sa pagbaha. Pagpapalalim o dredging sa ilog ng Meycauayan, pagtataas ng mga kalsada at mga pumping station na siyang malaking tulong para sa mga residente nito.
Ayon naman sa ilang residente ang higit na kailangan ng mga mamayan ay ang tamang disiplina sa pagtatapon ng basura upang maibsan ang malaking isyu ng pagbaha.
“Ngayon nasolusyonan na namin kahit papaano ang bagbabaha rito sa lugar namin (zamora) mula nung nagkaroon kami ng pumping station at yung lingguhang paglilinis at paghuhukay ng mga sapa.” -panayam kay Kag. Stella Manaleste ng Barangay Zamora
Comments
Post a Comment